“Lalaki ang sa amin, walang mawawala, walang talo.”

DISCLAIMER: Natrigger ako magsulat nito dahile may dalawang naguusap sa FX kaninang umaga na sa kanila daw kasi ang babae eh nag out of town keme so siyempre sabi ni Tita #1 kay Tita #2 na talo sila kanila ang babae at sa other party eh wala naman daw mawawala. HAHAHAHAAH dahil di ko sila kilala at hindi ko masabihan, isinulat ko ito para malabas ang damdamin ko. HAHAHAHA

Bago ang lahat, wag nating idamay ang relihiyon dito dahil usapang pantao ito. Damdamin, social issue o kung ano pa mang lehitimong tawag sa topic na tinatalakay ko. Hindi dapat kasali kung ano mang relihiyon o paniniwala pagdating sa diyos dahil kahit ano pa man ang relihiyon mo, nasasaktan ka, may damdamin at may pakielam sa pakikipagkapwa tao. Kaya kung relihiyon rin lang ang banat, wag na dito. At tsaka ang gusto ko lang kasi talagang pagusapan ay yung kakitiran ng utak ng mga tao na iniisip na may mawawala sa babae o matatalo ang isang babae kapag iniwan. Alam ko nakapagsulat na ako tungkol dito eh. Kaya lang nagreresurface nanaman kaya banatan ulit natin.


Kapag nagsama ang isang babae at isang lalaki, o nag live-in o nagpakasal lagi sinasabi na ang lalaki naman ay walang mawawala at walang talo. Siguro kasi kapag nabuntis ang isang babae, siya ang magdadala non for 9 months. Pero ang lalaki sasabihin nila na parang wala lang, walang nagbago nakabuntis man o hindi.

Pero kasi 2018 na ang hirap pa rin ba lalo na sa mga Filipino na tanggapin, pagaralan, pagisipan ang gender equality?

Bilang babae, hindi ko maiwasan na mainis o magpuyos ang damdamin kapag naririnig ko yung mga sinasabing sa babae kasi may mawawala o matatalo. Sa paanong paraan ho? Ano ho ang mawawala? Excuse my French pero magpapakatotoo na ako ah, mawawala ang alin? Ang virginity? Alisin natin ang mga pangkatolikong paniniwala o kung ano pa man. Tao sa taong usapan lang. Kung (gustong gusto kong isulat yung terminology na naiisip ko kaso baka sabihin niyo bastos pero isusulat ko pa rin) kik* lang rin ang basehan, sumisikip naman yon kahit gamitin mo araw araw. Scientifically speaking, hindi yan lumuluwag o nawawala sa porma via natural sexual intercourse. Ano pa? Ano pa mawawala? Yung innocence, nawala na yun matagal na. Ano pa? Alin pa? Yung puri? Ano bang ibig sabihin para sa inyo ng “puri”? Sa tekstong sekswal lang ba ang sukat at basehan? Oh come on. Puri my ass.

Sa lalaki din naman may nawawala. Nawawala din ang virginity nila. Hindi ko talaga maintindihan sa kung paanong paraan natatalo at may nawawala sa babae at sa lalaki naman ay wala. Walang talo. Puro panalo lang. Contest ba to na may nananalo at natatalo?

Kasi magwork man ang isang relasyon o hindi. Magkaroon man ng anak o hindi, wala naming nananalo at natatalo. Sige let’s put it this way, nagkaroon ng anak ang isang magkarelasyon. Iniwan ni lalaki si babae at ang anak. The end. Anong talo don? Makakahanap si babae ng kapalit ni lalaki kung yun ang destiny niya. Kung iniwan man siya sa kung ano mang kadahilanan hindi matatapos ang buhay doon, hindi titigil ang pagikot ng mundo at lalong lalo na walang contest na may nananalo at natatalo.

Kung si babae naman ang umiwan kay lalaki at sa anak nila ganon din naman. Makakahanap din si lalaki ng kapalit, aalagaan din niya ang anak, masasaktan din siya, pagdadaanan din niya ang emosyonal na trauma pero makakabangon din siya diba?

Tigil tigilan niyo ako sa mga talo ang babae. Hindi na makakahanap ng matinong lalaki gawa nang nabuntis na siya at iba pang keme at may anak na siya at kung ano ano pang katangahang banat.

Babae o lalaki, may anak o wala, may sex na naganap, walang natalo at walang nanalo. Mag-iwanan man sila, masakit yun at may emotional baggage silang dala pero walang mas kawawa lalo na kung gagawin mo yung best mo para makaahon ka sa kalugmukan.

2018 na ang sesexist parin. Pwe.

Ewan ko ba. Nakakainis. hahahahhaha


UPDATE!

Sensitibo ako pagdating sa topic na ganito dahil I came from a broken family. Kung mabasa man to ng pamilya ng ama ko o ng pamilya ng mga kapatid ko o kamag anak ng mga kapatid ko sa tatay nila, this is not intended to offend pero basehan ko lang yung katotohanan na ang mama ko mismo ang nagdesisyon na makipaghiwalay sa tatay namin ng mga kapatid ko dahil hindi na nagwowork yung relationship. Itinaguyod niya kaming mag-isa, walang tulong ng kahit na sino, hindi kami pinagaral ng mga kamag anak namin at mama ko lang talaga. Siya ang sumalo at umako ng lahat ng responsibilidad ng isang magulang pero NEVER kong nakita o naramdaman na kawawa siya. Namulat kami na matatag siya, matapang, may diskarte sa buhay. Lahat ng kinakain namin, pinangpapaaral sa amin sa kanya lang nanggaling. Wala kahit na sino ang nagbigay samin ng suporta maliban sa kanya at hindi ko nakitaan ng kahinaan kahit na alam kong mahirap magtaguyod ng limang anak na magisa ka lang. Kaya ako, ayokong naririnig na kawawa ang babae kapag iniwan. Dahil una sa lahat, kaya rin ng babaeng mang-iwan. Pangalawa, hindi kawawa dahil basta kakayanin mo at magsusumikap ka, hindi mo hahayaan ang sarili mong maging kawawa. Pangatlo, inexplain ng mama ko sakin na noong unang panahon lang kawawa kapag iniwan dahil walang walang aral o trabaho ang karamihan sa mga kababaihan (di ko alam anong year yon, baka di pa nga ako inuumpisahang buuin ng magulang ko noon) pero iba na ngayon. Ang babae, may pinagaralan, may trabaho at lumalaban.

About naman sa gender equality, ang lalaki din naman kapag iniwan hindi rin siya dapat maging kawawa. Ang lalaki kapag niloko kakayanin din niya dapat makaahon sa sakit na dinulot ng failed relationship. At kung sakanya iwanan ang anak, kayang kaya rin niyang palakihin iyon.

Kaya wag na tayo sa double standards. Masakit sa tenga marinig yun eh. Dapat pasulong, paangat. Lalaki o babae, walang kawawa at walang talo. Tandaan nyo yan.

Advertisements